«  ARCHIVES Today's date:

Writers Blogs at iba pa...

Ang Pinakamahabang Paghihintay sa Aking Pagninilay-nilay
By Zig Dulay
April 20, 2007


Kamusta ka na?

Lagi kong prinapraktis ‘yan araw-araw, sa iba’t ibang tono, iba’t ibang istilo para kapag nagkita tayo, handa ako. Pero kailangan may kasamang ngiti para ipakitang ayos lang ako kahit ilang buwan tayong di nagkita, hanggat maaari kailangang di mo mapansin na dinibdib ko ang huli nating pagkikita, kailangang di halatang halos isumpa ko ang aking nararamdaman sa huling araw na tayo’y magkasama. Kailangan, kayaning mapagtakpan ang lahat ng iyon ng mga ngiti. Pero hanggang praktis lang naman, dahil ilang buwan na ang nakalipas, di pa rin nagtatagpong muli ang ating mga landas – hindi ka pa rin nagpaparamdam, at ayoko namang maunang magparamdam.

Hindi ko na natatanggap ang mga text sa madaling araw na gaya ng dati. Mag-aaya ka lang naman ng kasama, para tumambay sa kuwarto mo. Wala ding ibang gagawin, maglalaro ka lang sa PC mo, habang ako ay nakikinig ng mga paborito kong kanta. Kapag nagkasawaan sa ginagawa, palitan lang. Ikaw naman ang makikinig at ako naman ang maglalaro. Ewan ko ba kung bakit, pero hindi ako nababagot sa ganoong sitwasyon natin, palagay ikaw din. Nakakatawa nga e, ikaw lang ang taong nakasama ko na walang ibang ginawa buong magdamag kundi mag-surf na net ng kung anu-ano, na walang usap-usap. Hanggang umaga pero kinaya. Naisip ko, kaya siguro tayo magkasundo kasi pareho tayo ng gusto, gusto lang ng kasama kahit di nag-uusap, ‘yung tipong basta alam mong nandiyan siya sa tabi mo, ayus na yun. Kaya nga wala akong maalala ni minsan na tayo’y nagtalo o nagkasamaan ng loob. Maliban lang sa isang natatanging pagkakataon.

Nagtext ang mga kaibigan natin, makikipagkita daw sila sa atin sa hapon. Tinanong mo ako kung pupunta ba tayo. Ang sabi ko sige, pero sa totoo lang di ko gusto dahil alam ko may gusto ka sa isa sa mga makikita natin. Hindi ko alam kung bakit ako nagseselos, pero ‘yun talaga ang nararamdaman ko nung oras na ‘yun. Kinagabihan, nagpunta nga tayo sa kanila, sa mall tayo nagkita. Sabi ko, kung gusto mo mauna ka na lang, may kukunin lang ako sa bus station. Ang sabi mo, samahan mo na lang ako. Nainis ako kasi sa pagkasabi mo parang ayaw mo talaga at napipilitan ka lang. Sinamahan mo nga ako, at pagkatapos nun tumuloy na tayo sa kitaan. Usap-usap, tawanan at kuwentuhan. Ayaw ko namang masira ang gabi mo pero ako hindi ko alam pero naiinis ako. Pagkatapos, nagkayayaan nang umuwi, ang sabi mo sa bahay nyo na lang ako matulog. Ayaw ko sana kaso mas malapit ang bahay niyo kumpara sa tinutuluyan ko. Hindi tayo nag-usap sa daan, naglakad lang kasi tayo. Parang nabalot din tayo ng katahimikan na noo’y nakakalat sa ating mga dinaanan, malalim na kasi ang gabi. Pagkabukas mo ng pintuan ng bahay nyo, dali-dali akong nagpunta sa kuwarto mo. Tuloy-tuloy sa higaan at saka humiga ako. Gusto ko nang matulog nun, kahit ang gusto ko kinaumagahan ng araw na iyon ay susulitin natin ang araw dahil kinabukasan nun ay uuwi ka na sa inyo. Matagl din tayong di magkikita. Nakahiga lang ako, nakatitig lang sa pader. Ikaw nakaupo ka lang. Hindi ko alam kung ano ginagawa mo, basta ang alam ko nasa harapan ka ng PC pero di mo naman ginagalaw. Maya-maya, pinatay mo ‘yung ilaw, tapos humiga ka na din. Matagal na naghari ang katahimikan. Alam ko gising ka pa, pero ako di na ako gumagalaw dahil gusto kong ipakita na tulog na ako kahit hindi pa. Maya-maya, tumunog ang cellphone ko. Hindi ko sana bubuksan pero parang may bumulong sa akinna buksan ko. Pagkabukas ko, bigla akong nabuhayan, parang nagkaroon ng saysay ang buong araw ko na ang alam ko ay nasira na. Text mo ang aking nabasa, ang sabi mo “wala lang, gusto ko lang sabihin na na-appreciate ko lahat ng ginagawa mo, tulog na tayo, maaga pa ang alis ko bukas.” Magmula noon, di ko na nakalimutan ang gabing iyon. Magpahanggang ngayon.

Kinaumagahan, parang tinatamad na akong bumangon. Ito ‘yung araw na sinabi mong uuwi ka na sa inyo, tapos na ang klase, tapos na ang thesis mo. Nalulungkot ako sa totoo lang, pero wala akong magagawa. Naisip ko, thesis na ang pinag-uusapan at pagkatapos nun, magkakaniya-kaniya na tayo. Maghahanap na ako ng trabaho at ikaw mag-aaral sa Manila, gusto mong kumuha ng abogasya. Mawawalan na tayo ng oras para magkita at magkasama, alam ko di na magiging kagaya ng dati na isang text lang ay puwede na.

Nagsimula ka ng mag-impake, ako nakahiga lang. Tapos sabi mo, bumangon na ako dahil kailangan mo nang umalis, kailangan na kitang ihatid sa bus station. Wala akong nagawa, bumangon at naligo, kahit di naman nagpalit ng damit, ayus lang. Walang imikan sa loob ng taxi. Ewan ko, ganito ata talaga ako, kapag may naiisip akong malungkot na pangyayari sa mga sumusunod, parang ayaw ko munang magsaya. Sa loob ng taxi, iniisip ko lahat ng mga maliligayang araw na kasama kita, pati na din mga malulungkot. Di na siguro mauulit ‘yun, dahil ilang araw na lang din, aalis na din ako sa Baguio kung saan tayo naging magkaibigan.

Nasa loob na tayo ng bus, ayaw ko sanang umakyat pa kaso ni-request mo – ang sabi mo di pa naman aalis ‘yung bus, upo muna kami. Hindi pa rin ako kumikibo, madami pa din akong iniisip – di ko alam kung ano dun ang dapat kung unahin, basta ang alam ko, aalis ka na sa oras na iyon. Maya-maya pa, humudyat na ang kundoktor na aalis na ‘yung bus. Sabi ko, sige alis na ako, aalis na ‘yung bus baka masama pa ako. Sabay hagis ng isang plastik na ngiti, nagpapanggap na masaya kahit hindi. Nagpasalamat ka at pagkatapos nun ay bumaba na ako. Pagkababa ko di na ako lumingon pa. Sa pinakaunang pagkakataon, pumatak ang masaganang luha sa aking mga mata. Nakayuko lang ako dahil nahihiya akong makita ito ng madaming tao sa station. Binagtas ko ang session road na umiiyak, di ko alam kung bakit basta patuloy lang ang aking mga mata sa pagpapalabas ng mga luha. Marahil napuno na rin ang aking mata, di na niya kinaya ang lungkot na pinapasan niya sa aking kaloob-looban. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa oras na yaon. Maya-maya ay biglang nag-vibrate ang cellphone ko. Isang text galing sa’yo. Isa ito sa mga nagustuhan ko sa’yo, hindi nakakalimot magtext. Kahit anong mangyari. Sabi mo, “wag ka nang malungkot, magkikita pa naman tayo.” Simpleng text lang subalit sapat na para mapuno ng ngiti ang buong session road.

Subalit pagkatapos nun, naging madalang na ang pagte-text natin. Wala nang komunikasyon, kung magtextan man, isang matipid na kamustahan lang. Tapos yun na ang simula ng lahat, pati ang matipid na text ay nawala na din. Pinilit kong makalimot kahit sobrang sakit. Parang nawala lahat, parang tumigil ang lahat, wala ka namang ipinangakong habangbuhay mo akong kakaibiganin pero parang umasa na ako na ganoon na nga, dahil sa totoo lang ganun na ako sa’yo magmula pa noong naging magkaibigan tayo.

Sa iba ko nalaman na natuloy ka pala sa iyong pag-aaral. Naging abala naman ako sa aking trabaho. Sa totoo lang, nagsumikap ako noon magpahanggang ngayon. Naisip ko, gusto ko kapag magkikita tayo ulet, may napatunayan na ako, di lamang sa aking sarili kundi pati sa’yo. Ang totoo, gusto ko kasing ipakita sa’yo na kahit na nasaktan ako ng todo, di ko napabayaan ang sarili ko – kahit napabayaan ko naman talaga.

Pinilit ko lang namang kalimutan ka, at tanggapin na kahit kailan ay hindi matutupad ang hiling ko. Uminom gabi-gabi para makalimot. Labas dito at labas doon, ayokong nababakante ang oras ko, dahil sa oras na mag-isa na ako. Lagi akong minumulto ng mga kaluluwa nating magkasama noon sa Baguio. Hindi ako nakakatulog, maliban na lang kung nakatulog ako dahil sa kalasingan, sa kapaguran dahil sa paglalaboy. Sa kabila ng lahat ng ito, mali ang aking mga akala dahil ni isang segundo, di kita nakalimutan.

Isang araw, nagulat ako. Bigla kang nagtext. Nainis ako noong una, dahil tinanong mo pa kung number ko nga ‘yong tinext mo. Nakakainis naman, nakalimutan mo ang number ko? O kaya’y nabura mo sa cellphone mo? Kung anong dahilan kung bakit ay hindi ko na inalam, mas nangibabaw ang pagka-ata ko sa text mo. Nagreply ako, nagkamustahan. Gaya ng dati, nagpanggap lang ako sa aking simpleng “okay lang, ikaw?” na ayos lang ako. Sa oras na iyon gusto kong ilibing ang lahat ng aking sakit na naramdaman. Excited na talaga akong makipagkita sa’yo. Sa wakas, magagamit ko na ang aking praktisadong “kamusta ka na?”

Maaga akong nagpunta sa mall kung saan mo sinabing magkikita. Medyo natagalan ka pero ayus lang sa akin ‘yun. Pinaghandaan ko ang araw na iyon. Di ako pumasok sa trabaho, ayos lang. Hindi maibiigay ng trabaho ko ang kasiyahang mararamdaman ko kapag nakita kita, naisip ko. Bigla kang nagtext, ang sabi mo’y nasa National Bookstore ka. Natawa ako, di ka pa rin nagbabago, dati kasi kapag nagkikita tayo sa National Bookstore talaga. Nagmdali akong pumunta doon sa kinaroroonan mo. Pagpasok ko sa NBS, bigla akong nakaramdam ng pagbasak ng langit sa kinatatayuan ko.

Kasama mo ang siyota mo. Siya ang dahilan kung bakit nahihirapan ako sa nararamdaman ko sa’yo. Siya ang dahilan kung bakit nanatili akong kaibigan sa’yo. Siya ang dahilan kung bakit patago ang mga pagkikita natin dahil nagseselos siya sa akin – kahit malinaw mo namang sinabi na magkaibigan lang tayo. Siya ang dahilan kung bakit madaling araw na tayo nagkikita. Siya ang dahilan ng lahat ng aking paghihirap, siya. Pero wala akong magagawa dahil siya naman talaga ang pinipili mo kahit noon pa man. Kaibigan lang naman talaga ang turing mo sa akin at kailanman di na nagbago ‘yun. Ako lang naman ang assuming sa lahat ng bagay.

Tila nagsitago ang mga ngiti nang makita ko siya, na-stroke ata sa pagkabigla ang aking mga ngiti sa katawan. Nawala ang aking mga prinaktis nang matagal. Pinagkaisahan ata ako ng aking mga luha, nararamdaman ko na ang pagsigaw nila mula sa gilid-gilid ng aking mga mata. Pero pinilit ko pa din maging matatag, kahit na walang ngiti, binati ko pa din siya.

“Kamusta ka na? Kayo pa pala? Mabuti naman, sa totoo lang bagay naman talaga kayong dalawa. Saglit lang a, puputok na kasi ang pantog ko. Balik agad ako!”
April 20, 2007 by Zig Dulay
1 comments


Archives
» Featured Poems
» Pinoy Verses
» Tulang Pinoy
» Writers Index
» Writers Blogs at Iba Pa...
Statistics
No. of contributors = 404
No. of entries in archives = 6,862

Ad links

« Other Posts »

*=best source of confidence= by Michelle Constantino
*My Teacher, My Friend by Michelle Constantino
*Thought to Ponder by Ernesto P. Santiago
*Notes on Plunder by Fermin S. Salvador
*Monologue by Jack Alvarez
*Tara by Jack Alvarez
*thinkin' by Cindy Contemprato
*My Book THE WALKING MAN is published. by Ernesto P. Santiago
*Beyond Me(diocrity) by BuenaCarla Zaldivia
*Suds by BuenaCarla Zaldivia
*OBSESSIVE COMPULSIVE DISORDER. by BuenaCarla Zaldivia
*Tears in the Crucifix by Laureana Cacho Sheppard
*Ang Pinakamahabang Paghihintay sa Aking Pagninilay-nilay by Zig Dulay
*Balota by Me-Ann
*Meet My Publisher by Ernesto P. Santiago
*On Elections and Social Welfare (Part 1) by Chris
*What did I do over the weekend? by Neselle Magboo
*If I am not a basketball player by Michelle Constantino
*Happiness is a Choice by Michelle Constantino
*Pinaka importanteng Mensahe Sa Mundo by Jared Richard Uy





About emanilapoetry
emanilapoetry formally opened on 19 June 2005 and is an online community of more than 400 writers and poets from various countries. As at 28 Sept 2007, this site has more 6,862 poem entries in archives.





«  ARCHIVES   About Us | Terms of Use | Privacy | Contact Us | Place an Ad
MY POETRY » Register/Login
EMANILAPOETRY, PINOY VERSES and TULANG PINOY are trademarks owned and operated by emanila.com pty ltd.
© 2005 - 2012
emanila wins! Content Rating - Labeled with ICRA
emanila and e-manila are trademarks owned by EMANILA.com Pty Ltd