Hawak ng mga daliri ang limguhit mga linyang kumakanta sa awit ng palad at naglalahad… mga himnong alibugha sa ritmo, mga agunyas sa sementeryo na huwad ang isinasaad
sa tunay na kulay.
i. ‘Sandangkal na nagtutulak sukatin ang kapwa humihinga sa hangin ng daigdig, kahit tubig… ni munting tulo ay hindi nagwisik sa kuko ng nagmamalimos ng piso dahil hawak ng uwak.
ii. Ang walang sawang pinalalakbay ang panulat sa mukha ng buwan at balat ng libro, may konsepto… karaniwa’y lumalabis pati ibang planeta ay agawin sa kamay Niya- ang lumikha na Bathala.
iii. Laging nagnanasa’t naghahangad ng palakpak, ng ginintuang gawad sa larangan at karunungan… pangarap lagi ang mga tropeo, ang mga pilak na uniberso ng mapanglaw na araw.
iv. Mga daliring hawak ay bakal na rehas tila mga kamay ay naaagnas sa sala na nagawa… di na mabilang ang paglubog ng taon pati ang pagluha maghapon ng linyang may utang.
v. Hinlalaki’t hintuturo’y kalansing ng pera ang sinusunson sa bawat eskina ay kinakalahig ang daigdig… inangkin ang lahat maabot ng tanaw kamkamin ang yaman ang siyang pananaw upang maghari ang daliri.
vi. Balat-kayong pagkurus sa harap ng rebulto ni Jose, ni Maria, pati kay Kristo sa dambana ng lupa… pinahahalik ang tuhod na marumi, dinadala ang putik na kayrami sa drama ng mata.
Kukumpas sa wala ang dipa ng kanyang paghinga at pagkanta sa koro ng mundo… bagay lamang na itiklop, putulin sa hanay ng mga buhangin na umaawit sa limguhit
About emanilapoetry emanilapoetry formally opened on 19 June 2005 and is an online community of more than 400 writers and poets from various countries. As at 28 Sept 2007, this site has more 6,862 poem entries in archives.